Ang Dapat Natin Mabatid Ukol Sa Kapayapaan

Sa panahong ito, maraming lugar ang hindi nakararanas ng giyera at malawakang dahas. Mismong bansa natin ay maituturing mapayapa.


Ngunit ito rin ang rason kung bakit maraming hindi naka-aalam at nakakaintindi sa mga sigalot na nangyayari sa iba't ibang kapuloan ng ating bansa. Masaya na ang karamihan na ang labanan na nakikita ay nasa mga larong tulad ng Counter-Strike at Call of Duty. Madali para iba na ipag-sawalang bahala ang kalagayan ng bayan basta hindi sila naapektuhan.

Ano nga ba ang kapayapaan?

Ang kapayapaan o "peace" sa diksyunaryong ingles ay "freedom from disturbance; quiet and tranquility."

Kung ito ay isasalin sa Filipino ay "kalayaan mula sa gulo; tahimik at kapanatagan"

Para malaman natin kung tunay bang payapa ang bansang Pilipinas, dapat masagot natin ang tatlong katanungan:

Una. Tayo ba ay may kalayaan mula sa gulo?

Tulad nang nasabi na nung una may mga lugar sa bansa natin na may gulo, gulo na dulot ng pang-aapi at korupsyon. Gulo na dulot ng pagwawalang-bahala ng kina-uukulan sa kanilang nasasakupan. Gulo na dulot ng di-pagkakasundo ng idelohiya.

Sa isang ulat ng World Bank, ang labanan sa Mindanao ay tinaguriang pumapangalawa sa pinaka-matandang giyera sa buong mundo. Limang siglong labanang nagsimula sa di pagkakasundo sa relihiyon at idolohiya. Ngayon, ayon sa ulat, ang rehiyon ay nasa gitna pa din ng pag-aaway dahil sa walang habas na pagkamkam ng lupa at likas yaman.

Ang labanang ito ay nagdudulot ng kahirapan at kamangmangan sa ating mga kababayan na hindi maka-alis sa kanilang tinubuang lupa. Para sa kanila, ang mga baril, kanyon at bala ay kasama na sa araw-araw na pamumuhay. Ang pag-aaral ay kadalasang naisasantabi dahil sa patuloy na karahasan at hindi pagkakaintindihan ng mga namumuno sa magkabilang panig ng digmaan. Hindi na alam ng kung sino ang kakampi at sino ang kaaway.

Ilang oras bago ko itinuloy na isulat ito nung Miyerkules, nakita ko sa balita sa TV ang pagtugis ng mga sundalo sa isang grupo ng mga rebelde sa Lanao del Sur.

Sa karamihan, ito ay bagong balita. Sa mga mamamayan ng lugar na yun, ito ay kalakaran.

Ang Pilipinas ay hindi malaya sa gulo. Ang gulo ng Pilipinas, na kahit hindi nararamdaman ng karamihan, ay nandiyan.

Sabi nga, ang unang solusyon sa pag resolba ng problema ay ang pag-amin na tayo ay may problema. Bilang isang Millenial, dapat natin aminin, na kahit na ang ilan sa atin ay hindi nakararanas ng gulo, ito ay bagay na nadito. Ang Pilipinas ay may sakit na dapat gamutin.

Peace.jpg



Pangalawa. Tayo ba ay nalalagay sa tahimik?

Totoo ba na ang katahimikan ay kapayapaan? Oo at hindi.

Dalawang kataga mula sa isang napakatapang na batang babaeng nagngangalang Malala Yousafzai ang aking gagamitin upang mapaliwanag ko ito.

Bago ko ito gawin, akin munang ipakikilala kung sino ang batang babaeng ito.

Si Malala ay isang batang Pakistani na ipinaglalaban ang karapatang pantao ng mga katulad niyang babae na makakuha ng edukasyon. Sa edad na labing-lima, binaril si Malala ng tatlong beses sa kanyang mukha ng Taliban dahil sa kanyang sinulat na blog ukol sa karapatang makapag-aral.

Buhay si Malala at naging inspirasyon siya sa marami. Sa edad na diese-siete (17) siya ay nagawaran ng Nobel Peace prize, ang pinaka batang naka-kamit nito.

Bumalik tayo sa kanyang mga sinabi. Ang una ay, “We realize the importance of our voices only when we are silenced.”

Napakahalaga na maintindihan natin na ang ating mga boses ay ang paraan upang ipahiwatig natin ang ating saloobin. Ang ingay na nagagawa natin ay bagay na mahalaga dahil dito natin maipararating ang gusto at ayaw natin. Ang ingay na nagagawa natin ay nakakatulong upang malaman na tayo ay nandito at may pangangailangang matugunan.

Ang isa pa niyang sinabi: “When the whole world is silent, even one voice becomes powerful.”

Kung ang buong paligid ay tahimik, kahit na isang boses lamang ay nagiging malakas. Mayroong mga tao na hindi na maka-angal at makalaban para sa kanilang sarili. Nakasalalay na sa atin, sa bawat batang naririto ngayon na maging boses para sa kanila.

Ilang buwan na ang nakalipas, ilang grupo ang tumulong upang ipabatid ang nangyayari sa mga Lumad. Dahil sila mismo ay hindi na mailaban ang kanilang sarili, ang kanilang katahimikan ay naging isang napakalakas na puwersa upang madinig ang kanilang hinaing.

Hindi masama na asamin ang katahimikan, ngunit dapat nating alamin kung ang katahimikan ba ay kapayapaan o isang pagkitil sa ating karapatan?

Ang dapat mabatid ng mga Millenial ay ito: Hindi sa lahat ng oras na ang katahimikan ay kapayapaan, Minsan ito ay hudyat ng pagkitil sa justisya at kalayaan.

Ika nga ng isinisigaw ng grupong Black Lives Matter: "No Justice, No Peace"

Huli. Tayo ba ay panatag?

Ang kapayapaan daw ay ang pagiging panatag.

Ang huling bagay na ito ay nagsasaad ng pansariling kapayapaan, isang bagay na dapat nating gustuhing matamasa.

Para tayo ay mapanatag, isang bagay lamang ang dapat nating tandaan: huwag manlalamang. Ang panlalamang sa kapwa ang unang hakbang patungo sa away at sigalot. Ang panlalamang at pagiging makasarili ang rason kung bakit nagsisimula ang awayan.

Isipin natin mabuti kung ang ating gagawin ay makapanlalamang sa ibang tao. Sa oras na tayo ay bumigay dito, hindi lang ang kapanatagan sa relasyon mo sa kapwa at sa komunidad ang nasisira, nasisira din ang panatag mo sa iyong sarili.

Kung ang bawat hindi pagkakaintindihan lamang ay nagagawang ayusing ng mga taong walang panlalamang sa isipan, matagal na sana nating natamasa ang kapayapaan.

Kaya't dapat nating tandaan, ang kapayapaan ay nagsisimula sa sarili natin.

Sa aking pagtatapos, nais ko lang ipa-alala na sa ating lahat nakasalalay ang kapayapaan ng bansa. Dapat nating pangalagaan ang karapatan ng bawat isa na mamuhay ng walang gulo. Dapat natin alamin ang nangyayari sa buong bansa, hindi lamang ang nasa malapit sa atin. Dapat natin bigyang boses ang mga walang paraang maghain ng hinaing. At huli sa lahat, dapat nating tandaan na ang gulo ay nagsisimula sa panlalamang.

Lahat tayo ay may pagkakaiba sa isa't-isa, mula sa kulay ng ating balat at iba pang panlabas na kaanyuan, kasarian, relihiyon at paniniwala at lengwahe. Kung lahat tayo ay magiging mabuting kapitbahay sa bawat isa, hindi malayong makamit ang ating inaasam na kapayapaan.

Maraming salamat sa inyong lahat.

 

 Sources:

http://siteresources.worldbank.org/INTCPR/214578-1111996036679/20482477/WP24_Web.pdf

http://internationalviewpoint.org/spip.php?article1245

 

(A speech written by Dakila Davao's Jae Manuel Sta. Romana for the 9th Mindanao Youth Peace Camp held last June 1 - 5, 2016 with the theme, "Continuing the 14 Years of Intergenerational struggle for Peace, Justice and Development in Mindanao.")

Showing 1 reaction

Please check your e-mail for a link to activate your account.